Bagong lipat lang kami noon sa Luntian Heights, nagsisimula pa lang kami matapos maghiwalay ang mga magulang ko, nagumpisa kami sa wala, halos wala kaming gamit sa inuupahan naming bahay. Iniwan ko lahat ng laruan ko para wala na daw kaming masyadong dadalhin. "Eh bakit si Jaja nadala niya yung laruan niya? Galit kong tinanong. "Bata naman yang kapatid mo Cleo, ano bang alam niyan sa buhay! Magpapabigat ka pa ba? Lumayas ka nga muna sa tabi ko." Hindi siya ganun dati sa akin, mahal na mahal ako dati ng nanay ko, ako lagi ang pinupuri niya sa aming apat na magkakapatid. Kahit ako ang panganay, ako lagi ang may lambing, pero simula ng umalis si daddy, tinuring na niya akong pabigat. Gusto kong sabihin sa kanya na bata lang rin ako, na hindi ko pa rin naiintindihan ang lahat, kailangan ko bang maranasan ang mawalan ng laruan dahil naghiwalay sila? Lumabas ako ng bahay na umiiyak, hindi ko alam kung saan ako pupunta noon, basta tumakbo lang ako ng tumakbo, kahit walang destinasyon.
Maya-maya pa ay napagod rin ako at huminto sa isang lugar. Wala na rin akong matatakbuhan, iyon na ang dulo ng subdivision, gubat na ang kasunod na makikita mo. Umiiyak parin ako pero hindi ko na alam kung ano ang dahilan, dahil ba sa laruan kong naiwan? o dahil sa pamilya kong nasira? Hindi ko alam, basta tumutulo lang ang luha ko. Tinuloy ko ang paglalakad papunta sa gubat, parang may nagtulak sa akin na dumiretso sa lugar na iyon, kahit medyo madilim ang lugar sinuong ko parin ito.
Sumambat sa akin ang isang maliit na sapa, maraming mga bulaklak na iba't iba ang kulay. Walang ganoon sa dating bahay namin sa maynila. Natanaw ko ang mga bagay na sa libro ko lang nakikita, nakalimutan ko ang lungkot sa lugar na iyon. Pinagmasdan ko ng matagal ang lahat.
"Ang ganda ano?" may boses na biglang nagsalita.
"Sino yan?" Pagulat kong sinabi.
"Hi, ako si Carlo. Pasensya ka na kung natakot kita pero teritoryo ko kasi ito." sagot niya.
Hindi ako nakasagot, tinitigan ko lang ang kanyang mukha. Nagliliwanag ang mga ito dahil sa pasulyap na sikat ng araw. Para siyang anghel, ipinadala ba siya ng Diyos upang iligtas ako? Baka naman nasa langit na ako.
"Hoy bata, narinig mo ba ako?" aniya.
"Oo, narinig kita, Ako si C-Cleo, bagong lipat lang kasi kami dito kaya naglibot muna ako. P-pwede ka bang maging kaibigan?" Pautal kong sinabi. "Oo ba, pero bawal kang magtampisaw dito sa sapa, gusto ko kasi malinis itong teritoryo ko. Okay ba Kakang?" sagot ni Carlo.
Simula noon, naging magkaibigan na kami, dala dala ko rin ang lihim kong pagtingin sa kanya, Siya naman patuloy ang pagtawag sa akin ng Kakang. Naging masaya ang buhay kong aakalain kong magiging puro pasakit. Siya ang naging takbuhan ko kapag pinapagalitan ako ni nanay, ako naman ang takbuhan niya kapag may problema siya sa tatay niya. Sumaya ang kabataan ko dahil sa kanya, siya and childhood sweetheart ko.
Pareho kami ng ekwelahang pinasukan hanggang high school, hindi naglaon ay nakilala ako sa pagarte ko, nagdalaga at pinilahan ng marami. Pero siya pa rin ang gusto ko, sinasabi ko iyon sa mga manliligaw ko at minsan pa nga sa sobrang pagkadesperada kong maging kami ay pinagselos ko siya sa isa sa mga manliligaw ko. Ang alam ko ay tumalab iyon sa kanya, dahil matapos ang ilang linggo ay inamin niyang mahal na niya ako noon pa man at nangakong papasayahin ako habang buhay. Hindi rin nagtagal ay naging kami. Walang makapapalit sa kasiyahan ko. Hanggang sa araw ng JS prom, iyon na pala ang huling gabi na makikita ko siya.
Wala siyang sinabi, walang sulat, walang paalam, walang kahit ano. Bigla na lamang siyang naglaho kinabukasan, akala ko pa naman ay sabay kaming kukunin ang mga litrato nung JS. Nalaman ko na lang isang araw na umalis na sila ng pamilya nila papuntang Amerika. Sabi pa nung katulong nila ay dalawang taon na nilang plano iyon.
Naisip ko, sa dalawang taong lagi kaming magkasama, ni hindi man lang siya nagkaroon ng lakas ng loob para sabihin sa aking aalis na pala siya?! At ngayon, gugulatin na lang niya ako sa balitang ito! Gumuho ang aking mundo. Tumulo muli ang mga luhang gaya ng dati. Parang bumalik ang kahapon para sa akin. Pareho lang sila ng tatay ko, paaasahin ako sa una at pagkatapos ay iiwan lang rin ako. Wala ba akong halaga sa kanila?
Tinapos ko ang high school ng wala siya. Doon na ako nagsimulang magloko. Lahat ng bisyo ay sinubukan ko, simula sa yosi, alak, pati droga. Wala na rin akong pakialam kung ano man ang mangyari sa akin, kung sinu-sino ang naging mga karelasyon ko, karamihan sa kanila isang gabi ko lang nakasama, hinayaan ko lang silang gawin ang gusto nila, dahil minsan rin naman ay wala na rin ako sa aking pagiisip.
Hindi ko na nakita pang muli ang liwanag.